Check out http://www.mgadrowingniprits.com too!

Patron

Nagkaroon ng homework yung utol ko kelan lang sa Religion. Ang tanong: "Who is your favorite saint?" Sabi ng mommy ko tulungan ko daw. Sabi ko naman, lahat ba ng tao may kilalang maraming santo para magkaroon ng isang favorite? Ang dating kasi e para bang "What is your favorite color?" lang o kung ano pa mang tanong sa slumbook. Hindi ba? At least yung sa favorite color, marami-rami naman akong alam na kulay na pagpipilian. E saints? Nakow. Isa lang ang ibig sabihin nun. Kailangan kong mag-research. *ungol ng aso*

At akalain mong may SAINT DATABASE. *umungol ulet yung aso* Hebi. May links from A to Z. May ibang listahan din para sa mga patron saints (Para sa mga hindi katoliko, ang patron saint ay ang santo para sa isang specific na larangan; halimbawa, si St. John Baptist De La Salle ang patron saint ng teachers) Mukhang lahat nga ng mga santo nandun. Pag sinabi pala sa'yo na magdasal ka na sa lahat ng santo sa langit, mas maigi kung naka-online ka muna.

Hindi ko inisa-isa, at wala din naman akong balak. Napapa-click lang ako sa mga santo na sikat o kaya'y interesting. Tulad ni St. Francis of Assisi, na noong una'y sobrang gago at puno ng kalokohan, at pagkatapos ay nagbagong-buhay at gumawa ng kabutihan. Sikat yun. Si St. Clare of Assisi naman ay nakakita at nakarinig ng Misa de Gallo sa sarili niyang kwarto habang ginaganap ito sa malayo. Siya ang patron saint ng telebisyon. Sa sobrang interesting nun, napakunot yung noo ko.

Pero eto ang pamatay. Saint Isidore of Seville. Nakasulat sa ilalim: "Proposed Patron Saint of Internet Users"! INTERNET!! Hanep no! At di pa dun nagtatapos a. Pag kinlick mo yung link niya, mapupunta ka sa page kung saan nakasulat ang "Prayer before logging onto the Internet" ampupu! Pati ba naman yun? Natawa ako dun pramis. Sino kaya ang nakaisip nun? Talagang ayaw pahuli ng simbahan e. Up-to-date sa makabagong teknolohiya.



Matapos ang ilang pages na nabasa ko, may na-realize akong tatlong bagay kung nagbabalak kang maging santo:

1. Maraming sinulat na libro si Saint Isidore, at tungkol sa iba't ibang bagay. Grammar, astronomy, geography, history, etc. kaya siguro siya napiling patron ng internet. Kaya naisip ko, kung may balak kang maging santo, pumili ka ng bagay na gusto mong ma-associate sayo at gawin mo itong main event ng buhay mo. Ito malamang ang magiging basehan kung saang larangan ka magiging patron saint. Pumili ka ng maayos dahil parang pangalawang apelyido na yun, kakabit parati sa pangalan mo. "Patron Saint of Unlimited Texting," halimbawa lamang.

2. Maraming Saint John. Maraming Saint Francis. Maraming Saint Michael. Magkaron ka ng pangalang unique. Bokbok. O Cheverly.

3. Nabasa ko yung bio ni Saint Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong santo. Matindi talaga yung pinagdaanan niyang torture sa Japan kung saan ang mga kristiyano ay pinahirapan at pinatay. Binitin patiwarik sa balon para lang talikuran niya ang pagiging kristiyano niya. Pero solid pa din siya hanggang mamatay. Di siya nagpatinag. Siya at labinglima pang iba. Teka teka, labinglima? So marami pala siyang mga kasabay. Sino sila? Bakit di binabanggit mga pangalan nila? Bottom line: Hindi lahat ng martyr sumisikat, so dapat may gawin kang kakaiba at striking. Magsabi ka ng pamatay na linya na magandang i-quote.

Isang di ko gustong aspeto ng pagkakaron ng mga santo: Pagka-click ko ng link ni Saint Anthony, napunta ako sa page ng bio niya. Pagkatapos na pagkatapos ng biography, may picture ng pendant sa baba, tapos nakasulat: "50% off quality solid gold medals.. CLICK HERE." Ayus. Ang dating sa'kin nun, pinagkakitaan yung pagiging 'banal' nila. At may mga santo sigurong mataas ang market value.

Siguro asar na sakin yung mga santo ngayon. Nababasa kaya nila to? Kung hindi man, malapit na siguro, kasi magkakaroon na ng patron saint ng internet. Hehe. Joke. Bato-bato sa langit, ang tamaan pikon.

At gusto kong tanungin ang Vatican: Sa bawat bigating teknolohiya ba na darating, magkakaron ng isang santong patron?